-- Advertisements --

Muling nagbabala ang Bureau of Immigration sa publiko hinggil sa bentahan ng mga pekeng overseas employment certificates online.

Kasunod ito ng pagkakaaresto ng mga otoridad sa dalawang Pinoy na patungo sana sa ibang bansa ngunit kapwa mga peke ang kanilang overseas employment certificate na kanila umanong nabili online sa halagang Php500 hanggang Php7,200.

Ayon sa BI, required na magkaroon ng Overseas employment certificate ang lahat ng mga Pilipinong aalis sa bansa para makapagtrabaho abroad dahil ito anila ang nagsisilbing exit clearance ng mga ito.

Giit ng ahensya, mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang pagbebenta at pagbili ng mga pekeng dokumento para sa ilegal na departure ng mga manggagawa patungong abroad dahil ito anila ay maituturing na human trafficking.

Samantala, kaugnay nito ay binigyang-diin din ni BI Commissioner Norman Tansingco na mahigpit silang nakabantay sa mga ganitong kaso sa pamamagitan na rin aniya ng kanilang isinagawang data-sharing agreement sa Department of Migrant Workers na nagpapahintulot sa kanilang kawanihan na agarang masuri kung lehitimo ba ang mga Certificate ng mga OFW na aalis sa bansa.