-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pinay laban sa human trafficking scheme na tinatawag na “Bitbit” na maaaring humantong sa sex trade sa ibang bansa.

Ito ay inihayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco noong Linggo, Marso 31, matapos harangin ng mga opisyal ng BI sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 noong Marso 22 ang isang lalaki at ang kanyang kasamang Pinay bago sila makasakay sa kanilang flight patungong Kota Kinabalu, Malaysia.

Hindi naman tinukoy ng BI ang lalaki at ang kasama nitong babae na umano’y ka live-in partner niya.

Ani Tansingco, ito ay tila isa pang kaso ng ‘Bitbit’ scheme, kung saan ang isang madalas na byahero ay magtatangka na dalhin ang isang babaeng biktima na nilinlang sa pagtatrabaho bilang isang sex worker sa ibang bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ng BI na una nang sinabi ng lalaki sa mga immigration officers na siya at ang kanyang kasamang babae ay magbabakasyon.

Napansin umano ng immigration officers na kamakailan ay bumyahe sa Malaysia ang naturang lalaki.

Kaya naman, ang naharang na lalaki at babae ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon. Kasabay nito, tiniyak ng BI na magbibigay ito ng tulong sa babae.

Ang lalaki naman ay maaaring humarap sa posibleng kaso ng paglabag sa Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.