-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Immigration sa publiko laban sa mga indibidwal na umiiwas sa batas tuwing lumalabas ng bansa.

Ginawa ng ahensya ang pahayag, kasunod ng ginawang pagpapauwi sa mag-asawang Pilipino mula sa Laos.

Dumating ang mag-asawa sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sakay ng isang flight noong Enero 12 ng kasalukuyang taon.

Sila ay unang umalis ng bansa patungong Malaysia noong Abril ng nakaraang taon at nagpanggap ang mga ito na mga turista at iniwan ang kanilang 4 na anak.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang dalawa ay na-recruit online para maging na “Telesales Agent” may tig-P45,000 buwanang suweldo.

Ikinuwento ng mga biktima na pagdating sa Malaysia, sila ay dinala sa Bangkok, pagkatapos ay sa Mekong River, sa huli ay sumakay ng speed boat patungong Laos sa tulong ng mga hindi kilalang tao.

Iginiit nila na sila umano ay sinundo ng mga lalaking Intsik at dinala sa kanilang mga lugar na pagtatrabahuhan.

Sa loob ng walong buwan, nagtrabaho ang mag-asawa bilang mga ahente ng Telesales para sa isang online casino, nagre-recruit ng mga manlalarong Pilipino sa pamamagitan ng listahan ng mga contact na ibinigay ng kanilang employer na nakabase sa Pilipinas, kung saan nakatanggap sila ng parehong suweldo at komisyon.

Gayunpaman, sila ay nagtrabaho mula Disyembre hanggang Enero ng taong ito nang sila ay ikinulong at isinailalim sa pisikal na pang-aabuso ng kanilang mga amo.

Nagbayad umano ang mag-asawa ng halos Php800,000 upang matiyak ang kanilang kalayaan.

Samantala , hinikayat naman ng BI ang publiko na sumunod sa batas at regulasyon ng imigrasyon, dahil ang pag-alis sa bansa nang walang wastong dokumentasyon ay hindi lamang nagdudulot ng panganib sa personal na kaligtasan ngunit nag-aambag din sa mga ilegal na aktibidad na maaaring humantong sa pagsasamantala.