-- Advertisements --
BUREAU OF IMMIGRATION LOGO

Pinayuhan ng Bureau of Immigration ang mga dayuhan na aalis ng bansa sa darating na Undas holiday break, na sumunod sa kanilang immigration departure requirements, at iwasan ang hindi kinakailangang pagpila sa airport sa petsa ng kanilang flight.

Sa isang advisory, pinaalalahanan ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang mga rehistradong dayuhan na permanenteng naninirahan, nagtatrabaho, o nag-aaral sa Pilipinas, na maaari nilang makuha ang kanilang re-entry permit o special return certificate bago umalis sa alinman sa mga iba’t ibang opisina ng distrito, field, satellite at extension ng BI sa buong bansa.

Sa kabilang banda, ang mga dayuhang turista na nanatili sa bansa ng higit sa anim na buwan ay maaari ring makakuha ng kanilang emigration clearance certificates bago umalis.

Sinabi ni Tansingco na ang pagkuha ng mga kinakailangang permit nang mas maaga ay makatutulong upang mabawasan ang pila sa mga palipara dahil hindi na sila kailangang makipagsiksikan pa sa mga airport cashier ng ahensya.

Ayon kay Tansingco, inaasahan na nila ang dagsa ng mga pasahero sa mga paliaparan ngayong UNDAS.

Bukod dito ay malaki na rin ng bilang ng mga gumagamit ng paliparan dahil inalis na ang mga covid related travel restrictions

Ipinaalala rin ng BI Chief na ang iba pang immigration services ay available din online, sa pamamagitan ng e-services portal ng BI sa e-services.immigration.gov.ph.

Ibinahagi ng opisyal na ang kanilang ahensya ay mayroon ding one-stop shop facility sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, kung saan ang mga papaalis na dayuhan ay maaari ring makakuha ng nasabing mga dokumento.

Una nang nagpa-alala si Tansingco sa mga pasahero na dumating nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang flight, at dumiretso sa immigration pagkatapos mag-check in.

Aniya, tiwala sila na magiging mas maayos ang operasyon ngayong holiday season dahil nagtalaga sila ng karagdagang immigration officers, at nagtalaga ng rapid response team gayundin ng mga mobile counter para sa agarang deployment kung kinakailangan.