Tinitiyak ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na ang bagong team sa holding facility nito sa Taguig ay nagpapataw na ngayon ng heightened security alert sa nag-iisang major holding center sa bansa para sa mga deportee.
Personal na nagtungo si Tansingco sa pasilidad upang mag-isyu ng kanyang mga marching order at tiyaking susunod ang bagong team at binigyang diin ang mga pangangailangan para sa pagpapabuti sa mga sistema at pasilidad.
Aniya, matapos ang isinigawang inspection sa mga pasilidad, nakakita sila ng pagkakataon upang mas maisa-ayos ang mga pasilidad at nangakong uunahin ang modernasisyon ng Bureau of Immigration Ward Facility. (BIWF)
Kaugnay niyan, ang Bureau of Immigration Ward Facility ay nagsisilbing temporary holding facility ng mga dayuhan na nakatakdang i-deport, at matatagpuan sa loob ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig.
Sa panahon ng inspeksyon, ang pamamahala ng nasabing pasildad ay nailipat sa bago nitong pinuno na si Intelligence Officer II Leander Catalo.
Nauna nang inalis ni Tansingco ang dating hepe nito, kabilang ang 35 iba pang tauhan, at inilipat sila sa ibang back-end offices habang naghihintay ng imbestigasyon.
Ang imbestigasyon ay nagmula sa susprise raid noong ika-30 ng Enero na isinagawa ng mga operatiba ng intelligence division ng Bureau of Immigration, sa tulong ng National Capital Region Police Office, na nagresulta sa pagkakaumpiska ng mga unauthorized cellphone at gadget, undeclared money, sigarilyo, matutulis na bagay, at construction materials.
Pinahihintulutan ng patakaran ng immigration ang paggamit ng mga cellphone ng mga foreign ward upang makipag-ugnayan sa mga opisyal ng embahada, kanilang legal na tagapayo o kanilang pamilya.
Matapos ang naturang raid, agad na ipinag-utos ni Tansingco na ihiwalay ang mga dayuhang pugante sa iba pang deportee.
Aniya, ang mga pugante ay nangangailangan ng higit na seguridad at mas mahigpit na mga regulasyon, kumpara sa mga may mas kaunting o mas mababang mga pagkakasala.
Una na rito, ibinahagi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na naisumite na nila sa Department of Justice ang ulat ng naturang raid.