-- Advertisements --

Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) na hindi nila sasantuhin ang sino mang mga tauhan nitong nagkakapasok ng mga kontrabando sa BI Warden Facility Protection Unit (BIWFPU) sa Taguig City.

Kasunod na rin ito ng mga lumabas na report na maraming kontrabando ang naipasok sa loob ng Warden Facility Protection Unit na nasa sleeping quarter mismo ng mga tauhan ng BI.

Una rito, sa isinagawa raw na random inspection noong Marso 25 ni BI Intelligence Officer Melody Gonzales, nadiskubre nilang umaabot sa P100,000 ang excess money na hawak ng isang ward na dapat ay P5,000 lang ang pinakamataas.

Kabilang pa sa mga temporaryong nakumpiska ang mga Laptop, charger, speaker, tablet, cellular phones, DVD players, power banks, casino chips, carpentry tools, sigarilyo, lighters, kutsilyo, carpentry tools at pirated DVDs.

Anim naman daw sa mga laptop, isang tablet at 23 cellular phones ay isasalang sa forensic examination para malaman ang nilalaman kasunod ng mga report ng illegal activities ng mga ward sa detention facility.