-- Advertisements --

Kinumpirma ni Manila 6th district Representative Benny Abante Jr. na iimbitahan ng Quad Committee ang Bureau of Immigration upang alamin kung paano nakatakas ang grupo ni Alice Guo.

Ayon kay Abante Jr, kailangang maipaliwanag ng BI kung bakit napakabilis umalis ng grupo ni Guo sa Pilipinas at hindi pa ito kaagad natunugan ng mga opisyal.

Sinabi rin ni Abante na may mga lumalabas na isyu ng korapsyon sa BI na nais ding maimbestigahan ng Kamara.

Dagdag pa ng mambabatas, isa ring malaking kahihiyan sa Pilipinas na napakadaling nahuli ng Indonesian government sina Alice, Shiela, at Cassandra, habang inabot ng ilang linggo ang paghahanap sa kanila dito sa Pilipinas.

Maalalang sinabi rin ni PBBM na kailangang may managot sa naging matagumpay na pagtakas ng grupo nina Alice mula sa Pilipinas.

Ayon kay PBBM, hindi lamang dapat tanggalin sa trabaho ang sinumang sangkot kundi ipupursige rin ng gobyerno ang pagsasampa ng kaso sa kanila.