-- Advertisements --
image 242

Nakahandang makipagtulungan ang Bureau of Immigration sa Department of Justice sa pag-iimbestiga sa umano’y isyu ng escorting na nagaganap sa mga paliparan sa bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na nakikipag coordinate na sila sa Justice Department dahil sa mga ulat na kanilang natatanggap na may mga Immigration Officer ang nagfafacilitate ng mga pasahero na mayroong problema sa kanilang mga dokumento.

Ginawa ni Tansingco ang pahayag, kasunod ng naging interview kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla kung saan sinabi nito na iniimbestigahan na nila ang naturang report.

Inihayag ni Tansingco na mayroong kabuuang 72 na nakabinbing kaso sa kanilang Board of Discipline (BOD) laban sa mga erring immigration personnel mula nang umupo siya sa pwesto.

Dagdag pa ng opisyal, bukod sa bilang na ito, sinimulan na ng BI ang pagsasampa ng mahigit 100 kaso sa DOJ. 

Aabot sa 73 empleyado na ang  nakatanggap ng desisyon sa kanilang kaso ngayong taon, kabilang na ang dismissal sa serbisyo at suspensyon.

Kabilang sa mga ito ang kaso ng isang lalaking immigration officer na nag-facilitate sa pag-alis ng 13 Pilipino na kalaunan ay naging subject ng human trafficking, gayundin ang kaso ng isa pang lalaking opisyal na pinayagan ang paglalakbay ng isang naka-blacklist na Korean national.

Sumanggayon naman si Tansingco kay Remulla na ang isyu ng corruption sa kanilang ahensya ay hindi kayang solusyunan magdamag.