Nakatakdang i-revoke o bawiin ng Bureau of Immigration (BI) ang mga visa na ipinagkaloob sa mga dayuhang nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firms kasunod ng direktiba ni PBBM na pagbabawal sa lahat ng POGO sa bansa epektibo noong araw ng Lunes.
Sa isang pahayag, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na makikipag-ugnayan ang ahensya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagkansela ng mga permit na inisyu sa POGO hubs at mga dayuhang empleyado nito.
Sinabi rin ni Comm. Tansingsco na pareho sila ng pananaw ni Pang. Marcos na ang mga social cost ng POGO hubs ay mas malaki kesa sa mga benepisyo nito kung saan nakapagpa-deport na ang BI ng mahigit 2,300 dayuhang manggagawa na nagtatrabaho sa mga scam hub.
Ipinagbawal nga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang lahat ng POGO sa bansa matapos ang sunud-sunod na pagsalakay sa mga iligal na POGO kung saan nadiskubre ang mga kagamitang ginagamit para sa torture, love scam, at iba pang krimen.
Nauna nang sinabi ng DOLE na mag-aalok sila ng mga trabaho at livelihood program para sa mga manggagawang Pilipino na apektado ng pagbabawal sa mga POGO.