Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na nakatanggap sila ng intelligence information na ilegal na umalis ng Pilipinas si Alice Leal Guo o Guo Hua Ping nang hindi dumadaan sa immigration.
Sa isang statement, isiniwalat ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na base sa kanilang impormasyon na nagmula aniya sa very reliable source mula sa kanilang counterparts abroad na umalis ng bansa si Guo patungong Malaysia saka lumipad patungong Singapore kasama sina Shiela Leal Guo at Wesley Leal Guo noong Hulyo 21.
Nilinaw din ni Comm. Tansingco na bagamat nakalista ang pangalan ni Guo sa Immigration Look-out Bulletin Order (ILBO) na inisyu ng DOJ, walang rekord ang umano’y pag-alis ni Guo sa sistema at centralized database ng BI.
Nakabantay din aniya ang mga personnel ng BI sa lahat ng regular international ports of entry at exit gaya ng mga paliparan at pantalan kung saan ang informal exit points ay minomonitor at pinangangasiwaan ng ibang aviation o maritime agencies.
Pero nitong Lunes ay wala pang natanggap na anumang reports ang BI mula sa ibang ahensiya kabilang na ang mga nagbabantay sa maritime borders may kinalaman kay Guo.
Ayon pa sa BI chief nakaalis na ng Pilipinas si Katherine Cassandra Li Ong, na iniuugnay sa sinalakay na POGO hub sa Pampanga, noon pang June 11, bago pa man maisyu ang ILBO laban sa kaniya noong August 6.
Noong linggo, Agosto 18, namonitor ang grupo nina Guo na bumiyahe patungong Indonesia.
Samantala, ayon kay Tansingco mapapabilis ang extradition sa Pilipinas ni Guo kung kakanselahin ang kaniyang Philippine travel documents.