Tiniyak ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval na magsasagawa din ito ng imbestigasyon upang panagutin kung mayroon mang personnel nito ang tumulong sa pagtakas ng grupo nina Alice Guo.
Ayon kay Sandoval, nais ng BI na malaman ang katotohanan upang maiharap sa hustisya ang sinumang personnel na sangkot.
Gayunpaman, nananatili pa rin aniyang walang impormasyon ang BI kung may mga immigration officer bang nasangkot o tumulong sa pagtakas ng grupo.
Giit ni Sandoval, sinumang gumawa nito ay sinisira ang buong ahensya.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na posibleng may mga BI personnel na sangkot sa pagtakas ng grupo ng tinanggal na alkalde ng Bamban, bagay na kailangan umanong masusing imbestigahan.
Ayon pa kay Remulla, hindi siya agad nasabihan ni BI Commissioner Norman Tansingco ukol sa nangyari at isa umano itong malaking pagkakamali sa parte ni Tansingco.
Dahil din dito ay hindi na aniya sila nag-uusap.
Pero sa huling pahayag naman ni Presidential Anti Corruption Commission Spokesperson Winston Casio, sinabi nitong wala silang nakikitang direktang kaugnayan ng BI sa kontrobersyal na pagtakas nina Alice mula sa Pilipinas.