-- Advertisements --

Natunton na umano ng Bureau of Immigration (BI) ang paraan o modus na ginamit ni self-confessed former Davao Death Squad hitman Edgar Matobato para maka-alis sa Pilipinas.

Una nang nabunyag ang pagpuslit ni Matobato mula sa Pilipinas patungo sa hindi pa tinukoy na lugar gamit ang isang pasaporte na may ibang pangalan.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, natukoy na ng ahensiya ang modus na ginamit ni Matobato, kasama ang kaniyang ginamit na pangalan ngunit hindi muna ito ilalabas sa publiko.

Aniya, isusumite muna nila ang mga natuklasang impormasyon sa ‘proper authorities’ bago ito ilabas sa publiko.

Ayon pa kay Sandoval, iniimbestigahan din nila kung binago ni Matobato ang kaniyang pisikal na anyo nang tumakas siya sa bansa.

Maalalang sa pagbubunyag ng isang international news organization na nakabase sa US, dalawang paring Katoliko ang tumulong para makalabas ng Pilipinas si Matobato patungo sa Dubai.

Mula sa Dubai, muli umanong bumiyahe ang mga ito patungo sa isa pang hindi na tinukoy na lugar.

Sa kabilang dako, una nang ibinunyag ni dating Senator Leila de Lima na nasa protective custody na ngayon ng International Criminal Court (ICC) si Matobato.

Ayon sa dating senadora, noong ikalawang kwarter ng 2024 ay umalis ng Pilipinas si Matobato dahil sinusubukan ng ICC na makalapit sa kaniya para sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa war on drugs sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, kasama ang umano’y mga serye ng pagpatay na kagagawan ng kontrobersiyal na DDS.

Si De Lima ay dating nagsilbi bilang kalihim ng Department of Justice at chair ng Commission on Human Rights, na siya ring unang nagpresenta kay Matobato bilang testigo laban kay dating Pangulong Duterte sa imbestigasyon ng Senado noong 2016.