Pabibilisin ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpoproseso ng mga aplikasyon ng mga empleyado ng Philippine offshore gaming operators (POGO) o internet gaming licensees (IGL) para makaalis agad sila ng bansa.
Sinabi ni BI Acting Commissioner Joel Anthony Viado, bumuo ang ahensya ng mga team upang personal na pumunta sa POGO at IGL companies at ipatupad ang kanilang (visa) downgrading on-the-spot.
Sinabi ni Viado na dapat boluntaryong i-downgrade ng mga foreign POGO at IGL workers ang kanilang mga visa sa Oktubre 15.
Pagkatapos ng nasabing petsa, dapat umalis na aniya ng Pilipinas ang mga POGO personnel sa loob ng 59 araw o bago ang Disyembre 31 o posibleng harapin ang deportasyon at maging ang blacklisting.
Ginawa ni Viado ang pahayag kasunod ng ikinasang meeting hinggil sa pagsasara ng mga POGO firms kasama ang mga opisyal ng BI, DOJ, Department of Labor and Employment (DOLE), Department of the Interior and Local Government, Philippine Amusement and Gaming Corp., Philippine National Police, National Bureau of Investigation at ang Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Sumang-ayon naman ang mga ahensya ng pamahalaan na magtakda ng “service days” para sa mga empleyado ng POGO kung saan ida-downgrade ng BI ang kanilang visa status at maglalabas ng exit clearance.
Sa ngayon, nakapag-downgrade na ang BI ng kabuuang 5,955 visa, kung saan 55 percent ng mga may-ari ang umalis ng bansa noong Setyembre 24, ayon sa ahensya.