-- Advertisements --

Kinumpirma ng Bureau of Immigration na patuloy ang kanilang pakikipagugnayan sa iba pang mga ahensya para malaman ang lokasyon ng higit 11,000 na mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers na siyang kabilang sa mga ipapa-deport pabalik ng China.

Ang 11,000 na ito ang bilang ng mga POGO workers na siyang bigo na maisumite ang pagdowngrade ng kanilang mga working visa at gawin itong tourist visa para tuluyan nang makaalis ng bansa bago ang December 31 ng nakaraang taon.

Ayon pa kay BI Spokesperson Dana Sandoval, ang kabuuang bilang lamang ng mga umalis noong Disyembre ay 22,609 na dapat sana ay papalo sa kabuuang bilang ng 33,863.

Sa ngayon ay patuloy na hinahanap ng BI ang mga Chinese nationals na sumuway sa ibinigay na deadline.

Samantala, aminado naman din ang tagapagsalita na maaari silang mahirapan na matunton ang 11,000 chinese nationals dahil ang ilan sa mga ito ay nagtatago na sa ngayon habang ang ilan naman ay maaaring bumuo at nagtayo na ng sarili nilang gaming operations.