-- Advertisements --

Patuloy ngayon ang pakikipag coordinate ng pamunuan ng Bureau of Immigration sa iba pang mga ahensya ng gobyerno para matukoy ang kinaroroonan ng mahigit 11k na mga POGO workers na nakatakdang ipa deport pabalik ng kani-kanilang mga bansa.

Ang naturang bilang ng mga foreign national na ito ay nabigong i-downgrade ang kanilang mga visa sa isang tourist visa at nabigo ring umalis ng bansa bago ang itinakdang deadline ng gobyerno noong December 31, 2024.

Batay sa datos, 33,863 POGO employees sa ilalim ng PAGCOR ang inaasahan sanang maipa deport ng gobyerno ng Pilipinas bago ang naturang deadline.

Mula sa naturang bilang, aabot lamang sa 22,609 na mga POGO workers ang matagumpay na napauwi ng BI.

Ayon kay BI Spox. Dana Sandoval, hindi pa nila hawak sa ngayon ang nasa 11k na mga POGO workers at pinaghahanap na ito sa pamamagitan ng mga kompanya nitong pinasukan.

Aminado rin ang opisyal na mahirap tukuyin ang lokasyon nito dahil maaaring nagtatago na mga ito o kaya naman ay nagsimula ng maliit na online gaming operations.

Nakikipag ugnayan naman ang BI sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, law enforcement agencies at iba pang mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga kahinahinalang aktibidad.