-- Advertisements --

Hihingi ng tulong si Bureau of Immigration (BI) chief Jaime Morente sa Department of Justice (DOJ) sa pag-imbestiga sa mga ulat na may ilang BI personnel na nakadestino sa mga paliparan ang sangkot sa korapsyon.

Sinabi ni Morente na nakatanggap siya ng impormasyon na may ilang BI-Port Operations Division employees ay isinasangkot sa human trafficking cases.

“We suspect that other agencies may be included in this complaint as well, as anti-trafficking efforts is a shared responsibility of all members of the Inter-Agency Council Against Trafficking,” saad ni Morente sa isang statement.

Sa ngayon, ayon sa opisyal, ang maari lamang gawin ng kanilang Board of Discipline ay magrekomenda ng kaukulang aksyon sa DOJ.

Ang DOJ na raw ang siyang may kapangyarihan sa pagsibak sa mga empleyadong sangkot sa kontrobersiyang ito.

“We believe that the control over administrative matters should be delegated to the BI, for us to be able to enforce immediate sanctions,” dagdag pa nito.

Iginiit ni Morente ang kahalagahan ng agarang aksyon patungkol sa kasong ito lalo pa at mahigpit ang kampanya ngayon ng BI laban sa human trafficking.