Tiniyak ng Bureau of Immigration na mahigpit nilang ipinapatupad ang batas ng bansa laban sa mga dayuhan na nagtutungo dito sa Pilipinas na lumalabag dito.
Ginawa ng ahensya ang pahayag matapos na maaresto ng mga otoridad ang isang Russian vlogger na nambastos ng ilang Pilipino sa Bonifacio Global City .
Maliban dito ay nabatid na nambastos rin ito sa iba pang lugar sa bansa.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na bagamat bukas ang bansa sa lahat ng turista , kailangan pa ring irespeto ang kultura at umiiral na batas sa bansa.
Binigyang diin nito na kanilang pananagutin ang sinumang turista o banyaga na hindi igagalang ang kultura ng mga Pilipino.
Ang ginawa aniya ng naturang foreign vlogger ay hindi katanggap-tanggap habang binigyang diin rin ng opisyal ang mandato ng gobyerno na protektahan ang lahat ng mamamayang Pilipino .