Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino laban sa paghahanap ng trabaho sa Myanmar hindi lamang dahil sa patuloy na civil war kundi dahil din sa talamak na kaso ng human trafficking.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na tinukoy na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang conflict sa Myanmar na nasa Crisis Alert Level 2, o Restricted Phase.
Nangangahulogan ito na ang mga documented Overseas Filipino Workers lang ang papayagan na pumunta sa Myanmar kasabay ng mahigpit na mga protocol at mga pag-iingat sa lugar.
Kaugnay naman sa talamak na kaso ng human trafficking, sinabi ni Tansinco na kamakailan ay apat na Pilipino ang pinauwi mula sa Myanmar matapos mabiktima ng illegal recruitment.
Ang apat na biktima ng illegal recruitment, ay umalis sa Pilipinas na nagpanggap na mga turista ngunit kalaunan ay na-recruit ng kanilang mga dayuhang kakilala upang lumipad patungong Myanmar para magtrabaho sa iba’t ibang posisyon sa nasabing bansa.
Dalawa sa mga biktima ang nagpahayag na sila ay na-recruit sa pamamagitan ng isang job posting sa isang sikat na online app bilang mga customer service representative sa Myanmar.