Nagbigay babala ang Bureau of Immigration sa publiko ngayong Semana Santa hinggil sa pagkalat ng umano’y mga pekeng e-travel services o websites online.
Kung saan pinag-iingat ng kawanihan ang mga Pilipino lalo na ang mga magsisipagbyahe sa kasagsagan ng mga mahal na araw dahil sa paglaganap ng mga ganitong uri ng panloloko.
Nitong mga nakaraan lamang raw ay may mga namonitor sila na insidente ng pambibiktima na pinapa-register ang ilang indibidwal sa pekeng website ng e-travel at pagkatapos ay sisingilin pa ng pambayad.
Ito naman ay mariing nilinaw ni Spokesperson Dana Sandoval, tagapagsalita ng Bureau of Immigration, na aniya’y libre ang paggamit sa inilunsad na e-travel services sa mga pasahero.
Ibinahagi din niya na ito’y maari na agarang i-fill-up, 72 oras bago ang nakatakdang flight o paglipad ng sasakyang eroplano.
Dagdag pa niya, mas madali na raw ito kumpara sa dating nakagawain sapagkat aniya’y iisang form na lamang gagawing pagfill-up.
Samantala, para naman sa mga pasaherong hindi pa ganun ka-pamilyar o maalam sa paggamit ng e-travel services, ibinahagi naman niyang may mga nakalaan na kiosk sa paliparan kung saan katuwang rito ang Department of Information and Commuications Technology upang magbigay asiste.
Kaya naman dahil dito, makatitiyak umano ang publiko partikular sa mga babyahe ngayong semana santa na may nakahandang tumulong sa kanila sakaling makaranas ng technical difficulties.