-- Advertisements --

Plano ng Bureau of Immigration (BI) na i-monitor ang mga aktibidad ng mga dayuhang vlogger sa Pilipinas.

Ito ay kasunod ng pagkakaaresto sa Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na gumawa ng videos na nagpapakita ng pambabastos niya sa ilang mga Pilipino sa Bonifacio Global City.

Ayon kay BI Deputy Spokesperson Mabulac, pinag-uusapan na nila ang naturang rekomendasyon para matiyak na ang mga dayuhang dumarating sa bansa ay sumusunod sa mga kondisyon sa kanilang pananatili sa ating bansa.

Aniya, ang Pilipinas ang paboritong destinasyon ng mga dayuhang vlogger para gumawa ng mga video content subalit dapat aniyang tiyakin na iginagalang at sinusunod ng mga ito ang batas sa ating bansa.

Ipinunto naman ni Mabulac na “very isolated case” ang ginawa ng Russian vlogger. Aniya, maraming nagvlo-vlog na mga dayuhan sa bansa subalit ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng problema.

Sa ngayon, nananatili ang Russian vlogger sa detention facility ng BI sa Taguig city matapos arestuhin ng mga awtoridad noong Miyerkules kasunod ng pagsampa ng reklamo laban sa kaniya.

Nakatakda namang ipa-deport ang Russian vlogger sa lalong madaling panahon. Itinuturing ngayon si Zdorovetskiy bilang undesirable foreign national.