Handa ang Bureau of Immigration (BI) sa pagpapatupad ng bagong resolusyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na bibigyan na ng pahintulot ang mga dayuhan na may umiiral na visa na makapasok sa Pilipinas.
Ayon kay BI acting spokesperson Melvin Mabulac, hindi pa man nila natatanggap ang kopya ng direktiba, ngunit handa raw sila sa implementasyon ng bagong IATF resolution.
“We have yet to see the new IATF resolution but BI is ready to implement including conditions stated in the resolution,” ani Mabulac.
Una rito, simula sa unang araw ng Agosto ay papayagan na ang pagpasok sa bansa ng mga dayuhang may long-term visa.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kailangang magkaroon ng valid at existing visa ang mga banyagang gustong makapasok.
Sa kabila nito, hindi naman papayagan ang mga may bagong entry visa.
Aniya, dapat kasama ang mga ito sa maximum capacity ng inbound passengers dahil binibigyang prayoridad ang mga umuuwing Pinoy.
Dapat ding magkaroon ng pre-booked accredited quarantine facility at coronavirus disease testing provider ang naturang mga banyaga.