-- Advertisements --

Mahigpit na ipagbabawal ng pamahalaan ang paglahok ng mga banyaga sa mga kilos protesta sa kasagsagan ng State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes.

Binigyang diin ng Bureau of Immigration (BI) na base sa batas, bawal lumahok ang mga foreign nationals sa ano mang political activity habang nandito sa Pilipinas.

Ayon kay Commissioner Jaime Morente, ang kanilang paalala ay kasunod na rin ng pagpapa-deport sa ilang mga banyagang lumahok noon sa mga protesta.

Ipinaliwanag ni Morente na bilang bisita, ang mga banyaga ay hindi binibigyan ng bansa ng political rights at privilege gaya ng ibinibigay sa mga Filipino.

Kawalan umano ng paggalang sa Pilipinas ang pagdalo ng mga banyaga sa protesta at katumbas ito ng pangingialam sa ating internal affairs bilang sovereign nation.

Maalalang noong 2013, pina-deport ang Dutch citizen na si Thomas van Beersum dahil sa pagdalo sa kilos protesta at nakunan pa ng larawan na kinokompronta ang isang pulis na ummiyak.

Maging ang Canadian student na si Kim Chatillon-Miller ay pina-deport din dahil sa pagdalo sa anti-SONA demonstration.

Noong 2018 pina-deport din ng BI ang madreng Australian na si Patricia Fox dahil sa paglabag nito sa pananatili sa bansa bilang isang madre dahil sa pagdalo nito sa mga partisan political activities.

Sa pareho ring taon ay pina-deport ng Immigration ang Zimbabwean na si Tawanda Chandiwana, American Adam Thomas Shaw at Malawian Miracle Osman dahil din sa paglahok sa leftist activities.