Tiniyak ngayon ng Bureau of Immigration (BI) sa publiko na mayroon silang sapat na manpower para matugunan ang inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa summer season.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, sa kanilang pagtaya, papalo sa 30,000 daily arrivals at 34,000 departures.
Maliban naman sa port personnel sa peak season, inatasan na rin daw ng opisyal ang BI airport terminal heads na siguruhing may magmamando sa mga counters para makapag-serbisyo ng inbound at outbound passengers.
Nagbigay na rin ito ng direktiba sa mga BI terminal heads na makipag-ugnayan sa mga airlines para sa pagproseso ng mga pasahero.
Una rito, sinabi ng mga airport authorities na ang espasyo ng BI sa NAIA Terminal 3 ay ie-expand para makapag-deploy ng mas maraming immigration officers.
Maliban dito, inaasahan a rin daw ang bagong batch ng 38 immigration officers na magtatapos sa BI academy sa Clark, Pampanga.
Sinundan ito ng batch ng karagdagang 147 immigration officers.