-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Naghahanda na ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa nakatakdang pag-turnover ng pamamahala sa Boracay sa lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan.

Ang BIATF ay binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 53 noong Mayo 8, 2018 na siyang mamamahala sa isla gayundin ang pagsasagawa ng rehabilitasyon at paglilinis.

Ang termino ng BIATF ay nagtapos noong Setyembre 14, 2021, ngunit ito ay pinalawig pa hanggang Hunyo 30, 2022 sa bisa ng EO 147.

Kasunod ng pagtapos ng kanilang mandato sa isla, nakatakdang i-turnover ng BIATF ang pamamahala sa Boracay sa LGU-Malay.

Nauna rito, umaasa si DENR Acting Secretary Jim Sampulna na maipagpapatuloy ng LGU-Malay ang nasimulang rehabilitasyon sa isla.

Samantala, kinumpirma ni Boracay Inter-Agency Rehabilitation and Management Group General Manager Martin Jose Despi na nananatiling ligtas paliguan ang baybayin ng Boracay.

Katunayan ay pasado pa rin ito sa standard fecal coliform level na 100 most probable number per 100 milliliters.