Pinagpaliwanag ni Muntinlupa Representative Ruffy Biazon ang Maynilad Water Services hinggil sa nararanasang severe water supply interruption sa lungsod ng Muntinlupa.
Apektado kasi ng nasabing water interruption ang nasa 70% na mga residente ng lungsod dahilan para magalit ang mga ito sa Maynilad matapos na magpataw ito ng water interruption schedule na tumatagal ng 18 oras kada araw habang ang ilang mga lugar dito ay inaabot pa ng ilang araw na walang suplay ng tubig.
Dahil dito ay nagsagawa ng briefing si Biazon kasama ang mga kinatawan ng Maynilad kahapon, Enero 20, upang talakayin ang kasalukuyang sitwasyon ng kakulangan ng suplay ng tubig sa lungsod.
Batay sa presentasyon ni Maynilad Water Production head Greg Antonio, noong buwan ng Nobyembre ay nagkaroon ng high turbidity o paglabo ng tubig sa Laguna Lake, dahilan kung bakit bumagal ang produksyon ng dalawa nilang Putatan Water Treatment Plant (PWTP) dito.
Dagdag pa niya, ang pagbabawas sa water production bago pa man turbidity issue ay dahil sa mabagal na recovery ng naturang planta sa filtration membranes nito na nagdulot naman ng algal bloom mula Oktubre hanggang Nobyembre.
Sinabi rin niya na ang direksyon ng hanging amihan ay patungo sa kung saan kumukuha ng tubig ang Maynilad, at dahil nga sa mababaw na ang Laguna Lake bed ay nagreresulta aniya ito sa mga silt na ginagalaw ng agos.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Antonio na may mga plano na ang Maynilad para sa taong ito upang maitama at mapanatili pa ang suplay ng tubig na kailangan ng kanilang mga customers tulad na lamang ng water reservoir ng Maynilad sa Brgy. Tunasan.
May kapasidad din aniya ang PWTP na mag-produce ng 300 million liters ng tubig kada araw na aabot naman sa 350 hanggang 360 million liters kada araw ang peak nito.
Sa kabilang banda naman ay ipinaliwanag din ng isa pang kinatawan ng Maynilad na sa ngayon ay hindi na ginagamit at nilalagyan ng refill ang reservoir dahil sa mababang produksyon ng tubig sa planta ng Putatan.
Kasalukuyan na aniyang nagpapakalat ng water tanker ang Maynilad upang makapagsuplay pa ng tubig sa iba’t -ibang lugar.
Siniguro naman ni Biazon na patuloy siyang makikipag-ugnayan sa Maynilad hinggil sa pagsasaayos sa singil sa tubig dahil hindi nakukuha ng mga customers nito inaasahang serbisyo mula dito.