BACOLOD CITY – Preparado at nasa kondisyon na si eight-division champion Manny Pacquiao sa kanyang pag-eensayo sa laban nito laban kay WBA welterweight champion Yordenis Ugas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa presidente ng Samahan ng Weightlifting ng Pilipinas at former commissioner ng Philippine Sports Commission Monico Puentevella direkta sa Las Vegas, USA, gaganapin ang laban sa Agosto 21, Sabado sa Amerika habang Agosto 22, araw ng Linggo naman sa Pilipinas.
Ayon kay Puentevella, isa sa mga ginagawang preparasyon ni Pacquiao ang pag-Bible study tuwing alas-7:00 ng gabi.
Aniya, nakita rin nito ang training ng senador at hindi niya masasabing 42-anyos na si Pacquiao dahil nasa kondisyon ang kanyang katawan.
Ayon sa kanya, kahit na mas matangkad ng 3 inches sa height ang 35-anyos na si Ugas, kung hindi ito magbabantay at mag-iingat, siya ang pababagsakin ni Pacquiao sa loob ng limang rounds.
Kung lalampas naman sa limang rounds, naniniwala ito na mananalo ang Filipino boxer via unanimous decision.
Ayon sa dating sports commissioner, nakita nito ang passion ng senador sa boxing at determinado ito na pabagsakin ang kanyang kalaban.
Nasa Las Vegas rin ang asawa ni Pacquiao na si Jinkee at ang kanyang mga anak upang magbigay ng suporta habang inaasahan naman na dadating din ang kanyang ina na si Dionisia.
Ayon kay Puentevella, minungkahi nito kay Manny na ang anak nitong si Jimuel ang magdadala ng bandila ng Pilipinas sa kanyang laban ngunit hindi pa nakakapagdesisyon ang Pinoy champ.
Humingi naman ng panalangin ang dating kongresista para sa pagkapanalo ni Pacquiao upang makapagbigay ito ng dagdag na karangalan sa bansa.