Inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee ang P6.352 trillion national budget sa ilalim ng 2025 General Appropriations Bill (GAB) matapos ang masusing deliberasyon sa pambansang pondo.
Kabilang sa napagkasunduan ay ang pagtaas ng subsistence allowance ng mga sundalo mula sa P150 kada araw ay magiging P350 na ito at sa isang buwan nasa P10,500.
Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Kamara at Senado sa naging hakbang sa pag-apruba ng Bicam sa 2025 national budget na nagtitiyak na masustine ang mga programa na prayoridad ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Speaker na napakagandang balita din na tuloy na ang pagtaas sa subsistence allowance ng mga sundalo.
Sinabi ni Speaker na mismong si Pang. Ferdinand Marcos Jr., ang nagsabi na dapat isama sa pambansang pondo ang pagtaas sa subsistence allowance ng mga sundalo.
Sinabi ni Speaker ang dagdag na allowance na ito ay hindi lamang suporta sa ating mga sundalo kundi pagkilala rin sa kanilang sakripisyo para sa bayan.
Inihayag naman ni House Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co na ang pagtaas sa subsistence allowance ng mga sundalo ay popondohan na P16- billion alokasyon para sa susunod na taon na national budget.