Niratipikahan na ng Senado ang bicameral conference committee report hinggil sa panukalang amyenda sa Rice Tariffication Law (RTL).
Sa ilalim ng reconciled version ng Senate bill 2779 at House bill 10381, layong amyendahan ang probisyon sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) sa pamamagitan ng pagpapalawig hanggang 2031 at pagtaas ng appropriations sa P30 billion mula P10 billion.
Malaking bahagi ng pondo rito na nagkakahalaga ng P9 billion ay mapupunta sa rice farm machineries at equipment.
Nilikha ang Rice Competitiveness Enhancement Fund sa pamamagitan ng Rice Tariffication Law
upang matiyak na ang mga magsasaka ay direktang makikinabang sa liberalisasyon ng rice trading.
Sa ilalim ng panukalang batas, gagawa ng Program Management Office para masubaybayan ang RCEP at ang National Rice Program.
Nilalayon din nito na palakasin ang Bureau of Plant Industry Regulatory Functions ng Department of Agriculture kabilang ang registration at data basing ng lahat ng mga grains warehouses.
Sa ilalim ng SB 2779, ang DA ay papayagang mag-import kapag walang available na locally-produced rice at ito ay magtatalaga ng importing authority, maliban sa National Food Authority. Ang mga nalikom sa pagbebenta ay ibabalik sa buffer fund.
Dagdag pa, bibigyan nito ng otoridad ang pangulo na ipagbawal ang karagdagang pag-aangkat o tukuyin ang dami ng iaangkat kapag labis ang suplay ng parehong imported at locally produced rice sa merkado.
Kabilang ang RTL sa top priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).