-- Advertisements --

Binatikos ni dating Department of Finance Undersecretary Prof. Cielo Magno ang naging Bicameral Report na inilabas ng dalawang kapulungan ng kongreso na siyang pinunan umano ng mga technical staffs para sa mga hindi umano’y blangkong mga bahagi nito.

Ayon kay Magno, malinaw aniya na sa ilalim ng omnibus provision ng Bicam committee report ang trabaho ng mga technical staffs ay para linisin at ayusin ang mga clerical errors sa naturang mga dokumento at ang pagpunan sa mga blangkong bahagi nito ay dapat parte ng legislative process.

Dagdag pa ni Magno, kung ang mga staffs din aniya ang talagang nagpuno sa mga blangkong bahagi ng bicam report ay malinaw umano na isa itong paglabag sa mandato ng kongreso na dapat sila ang may karapatan na magsapinal ng panukalang budget bago pa man ito pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos.

Tinututukan din aniya ng kanilang kowalisyon ang transparency ng bicameral committee dahil ang mga ganitong isyu lamang ay malalaman ng mga taxpayer kapag mayroong mga opisyal o bahagi ng komite na nagtaas ng kanilang mga nakitang anomalya sa pagsasapinal ng bicam report.

Wala din aniyang nakikitang minutes of meeting kung saan nakasaad kung sino ang mga taong nagdedesisyon para dito at hindi rin napapakinggan kung paano ang nagiging deiberasyon ng pagbuo ng panukalang pondo para sa taong 2025.

Samantala, bilang bahagi din aniya ng responsibilidad bilang taxpayer at mamamayan ng bansa, marapat ang din umano na humingi ng accountability at transparency sa proseso ang kongreso kung paano nila isinasapinal ang pagbuo ng mga batas at maging sa pagpapasa ng budget para sa ngayong taon.

Ikakasa naman sa Biyernes ang rally ng kanilang kowalisyon bilang panawagan sa transparency at accountability para sa panukalang pondo at maging sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte.