LEGAZPI CITY – Tinawag na “extortionist at estafador” ng isang negosyante mula Bicol ang nasa likod ng pagpapakalat ng kontrobersyal na Bikoy video.
Lumabas ang pangalan ni Elizaldy Co, Misibis Bay Resort board chairman sa ikalimang serye ng Bikoy video na isa sa mga idinawit bilang sangkot sa illegal drug trade.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Co, inihahanda na umano ang kasong cyberlibel na isasampa laban sa web creator na si Rodel Jayme at tatlong iba pa.
Ayon kay Co, 100 percent na pulitika ang tinitingnang dahilan ng nasa likod ng paggawa ng video.
Aniya, Bicolano ang sinasabing nasa likod ng Bikoy video series na gumagawa ng mga dokumento na ibinebenta sa mga interesadong partido upang manira ng mga nasa oposisyon na mistulang nabaliktad umano ngayon.
Batay sa sources ni Co, noong Nobyembre 2016 unang nagtangkang lumapit ang suspek subalit hindi pinansin ng gobyerno habang Disyembre rin nito nalaman na nasa listahan na ni alyas Bikoy ang pangalan niya.
Sa kasalukuyan, sumulat na rin ang kampo ni Co sa Google at YouTube upang i-take down ang website na naglalaman ng Bikoy video series.