Dahil sa widespread damages, sa ilang mga rehiyon, inirekumenda ng NDRRMC kay Pang. Rodrigo Duterte na isailalim sa state of calamity ang Bicol region, Calabarzon at MIMAROPA.
Resulta ito sa isinagawang emergency full council meeting na pinangunahan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at NDRRMC Executive Director USec. Ricardo Jalad ang isang emegency full council meeting kaninang hapon.
Layon ng nasabing pulong para talakayin ang naging epekto ng Bagyong Quinta at Super Typhoon Rolly sa mga rehiyon na lubhang naapektuhan ng mga nasabing bagyo.
Bukod sa rekumendasyon na isailalim sa state of calamity ang tatlong rehiyon, inirekumenda din ng Council sa DPWH at National Housing Authority (NHA) na i -standardized ang Emergency Shelter Assistance (ESA) kung saan ang mga beneficiaries ay makakatanggap ng financial assistance para sa pag repair ng kanilang mga nasirang bahay.
Hinimok din ang NHA na i relocate ang mga residente na nakatira sa mga danger zones.
Pinayuhan din ang mga LGUs na mag invest sa satellite at high frequency radio communications.
Binigyang-diin naman ni Sec Lorenzana na epektibo ang isinagawang prepositioning sa mga AFP communication teams sa mga kalapit na lugar na apektado ng tropical cyclone.
Samantala, nasa 22 na ang naitalang fatalities ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) dahil sa Super Typhoon Rolly.
Ayon sa NDRRMC, ang 22 nasawi ay naitala sa Region 5 o BICOL region kung saan 13 ang nasawi sa Albay, lima sa Catanduanes at 1 sa Camarines Sur.
Sa Region 4-A o CALABARZON naman ay tatlo ang patay partikulas sa Batangas.
Nasa 166 na ang naitalang sugatan habang tatlo na ang nawawala sa mga rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA at Bicol.
Sa kabuuan nasa 312,583 pamilya o katumbas ng 1, 197, 888 na indibidwal ang naapektuhan ng Bagyo.