MANILA – Ilang lalawigan sa labas ng National Capital Region (NCR) ang target gawing “strategic area” ng Department of Health (DOH) para sa cold storage ng mga dadating na COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, magsisilbing central hub ng storage ng mga bakuna ang NCR.
“Ang ating plano ay magkaroon ng four cold storage rooms, and two walk-in freezers dito sa Metro Manila, because this will be the central hub of all vaccines,” sa isang media forum noong Biyernes.
Kabilang sa mga lugar sa labas ng NCR na target ngayon ng ahensya na malagakan ng COVID-19 vaccines ay ang Bicol region, Cebu, at Zamboanga Peninsula.
Bukod sa mga nabanggit na rehiyon at lalawigan, pinag-aaralan pa raw ng DOH ang ilan pang lugar na maaaring maging cold storage hub ng vaccines sa labas ng Metro Manila.
“Doon ibabagsak before it gets to be distributed in specific facilities.”
Ilang bakuna kasi ang napaulat na nangangailangan ng malamig na temperatura para manatiling epektibo sa tao.
Dito naka-depende kung anong uri ng cold storage facility ang kakailanganin ilaan ng pamahalaan sa COVID-19 vaccines.
“Itong sub-zero o ultra cold storage depende sa type ng vaccine at ilang bakuna ang makukuha natin from these different sources. Doon natin maitatalaga kung anong klaseng storage facilities ang maisasama natin.”
Sa ngayon patuloy daw na nakikipag-usap ang pamahalaan sa pribadong sektor para sa tulong na maaari nilang i-abot kaugnay ng cold storage.
“Humahanap pa tayo kung ito ay magiging appropriate sa isang government facility o ito ay magiging appropriate sa private na makakapag-kontrata tayo with them.”
“Pero ang tinitingnan pa lang natin ay location para makita natin kung strategic enough at makakabawas enough at magiging efficient ang ating gobyerno sa pagdi-distribute.”