-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakapagtala na ng tatlong firecracker-related injuries ang Bicol mula noong Disyembre 23 at matapos ang pagdiriwang ng Pasko.

Ayon kay Department of Health (DOH) Bicol Iwas Paputok Program Coordinator Sam Banico sa Bombo Radyo Legazpi, ito’y sa kabila ng pagbabawal ng pagtitinda ng paputok sa ilang lugar habang pawang menor de edad pa ang mga biktima.

Pitong taong gulang mula sa lungsod ng Ligao ang pinakabata na isinisisi sa five-star ang injury habang boga naman ang dahilan ng sugat ng 10 at 15-anyos mula sa Buhi, Camarines Sur at lungsod ng Legazpi.

Nagtamo umano ng sugat sa kamay at ulo ang mga ito na dinala sa ospital subalit pinauwi rin matapos na malapatan ng lunas.

Kinalampag naman ni Banico ang tulong ng mga magulang, komunidad at local officials na huwag kunsintihin ang mga menor de edad sa pagpapaputok.

Giit din nito na matagal nang bawal ang paggamit ng boga maging ng mga paputok na hindi dumaan sa quality checking.

Hiningi rin ng DOH Bicol ang tulong ng iba pang mga ahensya ng Department of Trade and Industry (DTI), PNP, BFP at local officials sa kampanya lalo na’t hanggang Enero 6, 2021 pa ang monitoring nito.