Nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 21 kaso ng pertussis o whooping cough sa Bicol Region habang isa naman ang naitalang nasawi.
Ang datos na ito ay naitala mula January 1 hanggang April 7 ng kasalukuyang taon.
Sa isang panayam, sinabi ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH-Bicol Center for Health Development na ang probinsya ng Albay ay nakapagtala ng anim na kaso ng naturang sakit, CamSur 9, Sorsogon 5 at isa sa lalawigan ng Masbate.
Wala namang naitalang kaso ang probinsya ng Catanduanes at Camarines Norte habang mula naman ang nasawing indibidwal sa Masbate.
Una nang sinabi ng ahensya na ang pertussis ay nakakahawa sa pamamagitan ng mga droplets mula sa pag-ubo ng infected indibidwal.
Maaari din itong humantong sa kamatayan kapag hindi naagapan.
Kabilang sa mga sintomas nito ay cold, fever, at cough na tumatagal ng isa hanggang dalawang linggo.
Ang mga batang may pertussis ay maaari ding makaranas ng pagsusuka at maging asul dahil sa hirap sa paghinga.
Pinaalalahanan naman ng DOH-Bicol ang publiko na maghugas ng kamay at magsuot ng facemask para maiwasan ang pertussis.