LEGAZPI CITY — Nakataas na umano sa red level o way below normal ang El Niño watch sa buong rehiyong Bicol matapos na makaranas ng mababa sa 40 percent na bagsak ng ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Pagasa Deputy Administrator for Operation and Services Dr. Landrico Dalida Jr., mula sa nakitang color yellow na rainfall forecast sa Bicol o below normal rain na nasa 41 percent hanggang 80 percent ang bagsak, nasa red rainfall forecast na ito.
Sa Albay lamang na mayroong 236.4 mm normal rainfall amount sa bawat buwan, nasukat ang 4.8 mm lamang na ulan sa Lungsod ng Legazpi batay sa nakolekta ng naka-install na rain gauge simula Pebrero 1 hanggang Pebrero 28.
Nasa 80.8 mm lamang ang ibinagsak na ulan sa Sorsogon, mula sa normal rainfall na 370.6 mm sa bawat buwan.
Samantala, nagbago ang forecast ng El Nino watch kung saan inaasahan na mula sa huling linggo ng Mayo, posible nang makaranasa ng maraming mga pag-ulan o pagpasok ng bagyo habang simula Enero hanggang Marso ang “peak” ng nararanasang panahon ng tag-init.