LEGAZPI CITY- Ipinagpapasalamat ng Office of the Civil Defence (OCD) na walang naitalang casualty sa rehiyong Bicol kasunod ng pagtama ng bagyong Amang.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay OCD Bicol spokesperson Gremil Naz, base sa assestment ng ahensya wala ring gusali o imprastraktura ang nasira habang ligtas naman ang lahat ng mga mangingisda na hindi pumalaot pa bago ang pagdating ng bagyo.
Nabatid na nasa 36 mga lugar sa rehiyon ang binaha na karamihan ay mula sa lalawigan ng Camarines Sur at Camarines Norte.
Sa ngayon ay bumababa na ang lebel ng tubig baha sa rehiyon habang karamihan sa mga evacuees ay nakauwi na sa kanilang tahanan.
Samantala, base naman sa tala ng Department of Agriculture nasa P12 milyon na ang pinsala sa sektor ng agrikultura kung saan karamihan sa mga ito ay mula sa nasirang palayan sa Camarines Sur at Sorsogon.