LEGAZPI CITY- Gumuhit ng kasaysayan ang isang Bicolana matapos maging pinaka-unang graduate ng Bicol University College of Medicine na kabilang sa Rank 10 ng 2024 Physicians Licensure Examination.
Nakakuha ito ng 86.92% passing rate sa naturang eksaminasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dr. Elica Yem Loma Arcilla sinabi nito na nahuli siyang makapag-exam kumpara sa kaniyang mga batchmates dahil sa ilang personal na rason.
Ang pagiging lisensyado na umano ng kaniyang mga batchmates ang naging motibasyon niya upang pagbutihin pa ang pag-aaral para sa eksaminasyon.
Kwento nito na hindi naging madali ang pinagdaanan niya subalit naging susi sa tagumpay ang disiplina sa pag-aaral.
Nabatid kasi na si Arcilla ay kabilang sa batch na matinding naapektuhan sa kasagsagan ng pandemya kaya karamihan sa mga klase nito ay ginawa online.
Sa kasalukuyan ay plano nito na magpahinga muna bako pumasok sa residency lalo pa ay nais na magin pediatric doctor.
Samantala, sa hiwalay na panayam naman kay College of Medicine Dean Dr. Ofelia Samar Sy, sinabi nitong marami ng mga nagpapaabot ng pagnanais na magbigay ng cash grant kay Arcilla.
Naghahanda rin umano ang unibersidad para sa isasagawang pagdiriwang para sa naturang tagumpay.
Dagdag pa ni Sy na hangad nilang magsilbi itong inspirasyon sa mga susunod pang batch na magtatapos ng medisina sa naturang unibersidad.