-- Advertisements --

NAGA CITY- Hindi makapaniwala ang University Of Nueva Caceres nurse graduate na mapapabilang ito sa topnotcher sa katatapos pa lamang na July 2021 Nurse Licensure Examination.

Mababatid na isa si Cheralyn Joy Barbacena sa nasungkit ang ika-walong pwesto sa nasabing pagsusulit na may average rating na 87.60 %.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Barbacena, sinabi nito na simula pa lamang ay hanggad na nitong maging top notcher sa nasabing pagsusulit kung saan naging motibasyon nito ang kaniyang mga kaibigan na mga topnotcher din.

Inamin ni Barbacena na hindi naging madali para sa kaniya an pagrereview kung kaya naiwaglit na rin nito sa isip ang pangarap.

Ngunit, laking gulat na lamang nito nang lumabas na ang resulta ng pagsusulit at naging top notcher pa ito.

Kaugnay nito, labis naman ang pasasalamat ni Barbacena sa kaniyang mga naging mentor habang nag-aaral pa ito sa nasabing unibersidad at nagbigay din ng payo sa mga estudyanteng nais ring maging nurse na maging bukas sa pagkatuto.

Maliban kay Barbacena, nasungkit rin ng isa pang Bikolanang nurse na si Luziel Dominguez na graduate naman sa Naga College Foundation ang ika-pitong pwesto sa pagsusulit taglay ang average rating na 87.80%.