-- Advertisements --

Hinimok ng mambabatas mula sa Bicol ang mga Pilipino na manindigan para sa kabutihan ng bansa at ibasura ang mga kandidatong maka-China sa Mayo 12 elections.

Panawagan ni House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party list Rep. Jil Bongalon sa mga botante, suportahan ang Team Pilipinas– ang senatorial ticket ng administrasyon na Alyansa Para sa Bagong Pilipinas.

Sinabi ni Bongalon ang Team Pilipinas ay binubuo ng mga kandidato mula sa mga partido ng administrasyon na Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), National Unity Party (NUP), at Partido Federal ng Pilipinas (PFP) ang tanging tiket na may matibay na paninindigan sa pagtatanggol ng soberanya ng Pilipinas, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, at pagsusulong ng kaunlaran ng bawat Filipino.

Habang ang kabilang kampo aniya na maka-China ay ang mga kaalyado ng mga Duterte na nagpabaya sa mga mangingisdang Pilipino at nagpahina ng posisyon ng Pilipinas sa isyu ng West Philippine Sea.

Binanggit ng kongresista ang mga dating polisiya ng kampo ni Duterte na pumabor sa China sa pamamagitan ng kaduda-dudang kasunduan, malalaking utang, at kawalan ng paninindigan laban sa pagpasok ng mga dayuhang barko, na patuloy na banta sa buhay at kabuhayan ng mga Pilipino.

Hinimok ni Bongalon ang mga botante na maging mapagmatyag at mapanuri laban sa mga propaganda, disinformation at misinformation na maaring gamitin ng oposisyon upang baluktutin ang katotohanan.

Binigyan-diin pa nito na ang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas “has a strong and reform-driven senatorial ticket that is committed to national security, economic growth and a government that prioritizes Filipinos above foreign interests.”

Ipinahayag ng lider ng Kamara mula sa Bicol ang kanyang masidhing panawagan habang nasa kampanya ang Team Pilipinas noong Sabado sa Davao del Norte, Mindanao.