LEGAZPI CITY – Umaani ngayon ng kabi-kabilang komento at pagkondena sa social media ang ginawang “coronavirus prank” ng isang vlogger sa malaking mall sa lungsod ng Legazpi.
Kahapon nang magpanggap ang lalaki bilang isa sa umano’y biktima ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (nCoV-ARD) sa harap ng entrance ng naturang mall sa Brgy. Bitano sa lungsod.
Sa video na kuha ng netizen na si Jhon Lawrence Morada, makikita ang isang lalaking nakaputi at may suot na itim na face mask na papasok sana sa mall subalit bigla itong bumagsak sa harap ng security guard.
Sa kaparehong video makikita rin ang mistulang pagkaalarma ng ilang mall-goers na dahilan upang magsilabasan.
Matapos naman ang ilang minuto, bumangon ang lalaki at nag-stretching pa.
Dahil sa panic na nilikha ng nangyari, inaresto si Uragon vlogger o Marlon De Vera sa totoong pangalan.
Samantala sa hiwalay na vlog post ni De Vera, inamin nito ang pagkakamali at nag-public apology sa ginawa na inakalang makakapagpasaya lamang ng mga tao.
Desidido naman ang mall management sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa naturang vlogger.