CENTRAL MINDANAO-Patuloy pa ring isinusulong ng Department of Health-Center for Health Development sa Rehiyon Dose ang BIDA campaign sa pag-iwas sa coronavirus disease 2019 sa kabila ng pagdating ng mga bakuna laban sa naturang sakit.
Binigyang-diin ni Dr. Edvir Jane Montañer, regional immunization program manager ng DOH-CHD XII, na kahit may bakuna na kontra COVID-19, mahalaga pa rin ang pagsunod sa BIDA.
Ang BIDA ay tumatayo sa B-awal walang mask, I-sanitize ang mga kamay, D-umistansya ng isang metro, at A-lamin ang totoong impormasyon.
Giit ni Montañer, pinag-aaralan pa rin kung hanggang kailan magtatagal ang epekto ng bakuna kung kaya’t hinihikayat ang lahat na sumunod pa rin sa minimum health and safety protocols upang maproteksyunan ang sarili.
Kaugnay nito, sinabi naman ni DOH-CHD XII regional director Dr. Aristides Concepcion Tan, kahit hindi sapilitan ang pagbabakuna, inirerekomenda at iminumungkahi pa rin ito upang mabawasan hanggang sa maubos ang pagmumulan ng impeksyon.
Giit pa ni Tan, hangga’t may mga grupong hindi nababakunahan, nandoon pa rin ang panganib ng pagkakaroon ng COVID-19.
Matatandaang, noong Biyernes, Marso 5, dumating na sa rehiyon ang abot sa 17,940 vials ng Sinovac vaccine na laan para sa 8,967 health frontliners sa 23 referral hospitals sa SOCCSKSARGEN Region, kasali na ang Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City at Cotabato Sanitarium Hospital sa Sultan Kudarat, Maguindanao.