Nakatakdang makipagkita sa huling pagkakataon si US President Joe Biden kay Chinese President Xi Jinping sa Sabado, Nobiyembre 16.
Ito ay sa gitna ng paghahanda ni Biden na iturn-over ang kapangyarihan kay President-elect Donald Trump sa Enero 2025.
Magkikita ang 2 lider sa sidelines ng APEC summit 2024 sa Peru. Ito naman ang magiging ikatlong pagpupulong nina Biden at Xi simula nang maupong Pangulo si Biden.
Hindi katulad ng mga nakalipas na pagpupulong, inilarawan ng senior US officials na ang huling pulong ng 2 lider ay magiging “moment of reflection” sa pagitan ng 2 na ang relasyon ay nagsimula mahigit isang dekada na ang nakakalipas.
Posible ding pag-usapan ng 2 ang naging resulta ng US Presidential elections 2024 noong nakalipas na linggo kung saan nanalo si Trump.
Matatandaan na nagbitiw ng matatapang na pahayag si Trump laban sa China sa kasagsagan ng kampaniya nito para sa halalan. Kung saan nagbanta itong magpapataw ng karagdagang mga taripa sa Chinese imports bilang hakbang para protektahan ang American industry.
Maaalala din na tinangka ni Trump na magkaroon ng matatag na ugnayan kay Chinese President Xi noong unang bahagi ng kaniyang unang panunungkulan bilang Pangulo subalit umasim ang kanilang relasyon sa gitna ng trade disputes at origin ng COVID-19.