-- Advertisements --

Sinabi ni US President Joe Biden na naging maayos ang kanilang naging pag-uusap ni Chinese President Xi Jinping.

Ito ay matapos ang naging pag-uusap ng dalawang pangulo via video call na tumagal naman ng halos dalawang oras.

Sa ulat ng White House, natuon ang talakayan ng dalawang leader sa nagpapatuloy na paglusob ng Russia sa Ukraine ngayon na naging dahilan ng pagkasawi ng maraming mga sibilyan kabilang na ang mga bata.

Dito ibinalangkas ni US President Biden ang pananaw ng Estados Unidos at iba pang mga kaalyado nitong bansa hinggil sa nangyayaring krisis na ito.

Sa pag-uusap ay inilatag ni Biden ang lahat ng kanyang mga hakbang upang pigilan at tugunan ang nasabing kaguluhan, kabilang na ang pagpapataw ng mga kaparusahan sa Russia.

Bilang pagkumbinsi sa China ay inilarawan din presidente ng Amerika ang mga implikasyon at consequences kung sakaling ituloy nito ang pagbibigay ng material support sa Russia habang nagsasagawa ito ng mga brutal na pag-atake sa mga lungsod ng Ukraine kung saan maraming sibilyan ang nadadamay.

Naniniwala naman Chinese President Xi Jinping na dapat nang matapos sa lalong madaling panahon ang nangyayaring kaguluhan ngayon sa pagitan ng dalawang nabanggit na bansa.

Nanawagan din si Xi sa NATO na maayos na makipag-dialogo sa Moscow ukol dito.

Ngunit hindi pa rin ito nagpahayag ng kahit na anong uri ng paninisi kay Russian President Vladimir Putin hinggil sa ginagawa nitong pagsalakay sa Ukraine.

Samantala, nagbabala naman si Biden sa Xi hinggil sa mga consequences na maaaring kaharapin sa oras na ituloy ng China ang pagsuporta Russia.

Sa kabilang banda naman ay nagkasundo ang dalawang bansa tungkol sa kahalagahan ng pagpapanatili ng open line communication upang pamahalaan ang kompetisyon sa pagitan ng dalawang bansa.