-- Advertisements --

Binisita ni U.S. President Joe Biden ang mga sundalong Amerikano na kasalukayang nakadeploy ngayon sa bansang Poland upang tumulong sa ilan sa milyun-milyong refugee ng Ukrainian war.

Dito nagpaabot ng lubos na pasasalamat si Biden sa mga sundalong miyembro ng 82nd Airborne Division ng U.S. Army na nakatalaga ngayon sa Rzeszow airport kasabay ng muling pagpapahayag tungkol sa malaking banta ng paglusob ng Russia sa Ukraine, at saluhan ang mga ito sa pagkain ng pizza.

Sinabi ng U.S. president na ang tungkuling ginagampanan ng mga sundalong ito ay higit pa sa kung maiibsan ba ng mga ito o hindi ang pagdurusang nararanasan ngayon ng Ukraine dahil maaari pa aniyang lumawak ang nagngangalit na digmaang nagaganap ngayon sa pagitan ng dalawang bansa na posibleng umabot pa sa buong mundo.

Nilinaw ni Biden na hindi pupunta sa Ukraine ang tropa ng Amerika upang direktang makipaglaban sa Russia dahil sa posible aniya itong maging sanhi ng World War III.

Ngunit ipinag-utos niya ang mga bagong rational deployment sa NATO’s eastern edge upang ipakita ang pangako ng Amerika sa pagprotekta sa sinumpaang alyansa.

Samantala, tumanggap din ng briefing si Biden hinggil naman sa humanitarian response sa pagtulong sa mga sibilyan na sumilong mula sa pag-atake ng Russia sa Ukraine at upang tumugon sa lumalaking bilang ng mga refugees na tumatakas mula sa nasabing bansa.

Sa kasalukuyan ay nasa mahigit 2.23 milyon katao na ang tumakas mula sa Ukraine na kasalukuyang sumisilong ngayon sa Poland, habang ang iba pang 3.7 milyon na mga indibidwal naman ay nagtungo sa mga hangganan ng gitnang Europa sa nakalipas na apat na linggo.