-- Advertisements --
image 469

Hindi na umano nagulat pa si US President Joe Biden sa ulat na namatay sa plane crash si Yevgeny Prigozhin, ang lider ng Russian Mercenary group na Wagner.

Sa isang briefing matapos napaulat na namatay sa plane crash ang Wagner leader, sinabi ng US President na hindi nito alam ang nangyari subalit iginiit nito na walang gaanong nangyayari sa Russia na hindi si Putin ang nasa likod.

Una rito, kinumpirma ng aviation officials na kabilang sa 10 katao na nasawi sa plane crash sa western Russia si Prigozhin at kaniyang senior Wagner commander na si Dmitry Utkin.

Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang dahilan ng plane crash subalit sinasabing paghihiganti umano ito laban sa Wagner leader na matagal ng karibal ng Russian military at sa pangunguna nito sa pag-aalsa noong Hunyo na posibleng motibo umano ng Russian state para maghiganti.

Matatandaan na ang 62 anyos na si Prigozhin ang siyang namuno sa naudlot na armed mutiny laban sa military leader ng Russia noong June 23 hanggang 24 para ipaghiganti umano ang kanilang kasamahan na pinatay ng Russian military.