Tiniyak pa rin ni US President Joe Biden na hindi nagbabago ang suporta nila sa Ukraine.
Ito ay kahit na hindi naisama ang military funding sa last-minute congressional budget deal.
Ang nasabing hakbang ng kongreso ay para maiwasan ang pinangangambahang government shutdown.
Dito ay tinanggal nila ang $6bilyon na tulong militar ng US sa Ukraine na siyang prioridad ng White House.
Sinabi pa ni Biden na hindi niya papayagan na maantala ang tulong na ibinibigay ng US sa Ukraine.
Mula kasi ng lusubin ng Russia ang Ukraine ay umabot na sa mahigit $46 bilyon ang naibigay ng US sa Ukraine bilang tulong militar.
Noong nakaraang mga buwan ay nagpadala na ang US ng mga state of the art na kagamitan sa Kyiv kabilang ang long-range missiles at mga Abrams tanks.
Ang nasabing kasunduan na temporary budget agreement ay magpopondo sa US Federal government sa loob ng 45 na araw.