-- Advertisements --

Isinisi ni US President Joe Biden kay Russian President Vladimir Putin ang nararanasang mataas na presyo ngayon ng produktong petroloyo sa Amerika at maging sa buong mundo dahil sa ginawang paglusob nito sa Ukraine.

Ipinahayag ito ni Biden sa kanyang naging talumpati sa White House at sinabing ang gas ng US ay may average na humigit-kumulang $4.20 hanggang $4.22 kada galon, mula sa $3.30 sa pagsisimula ng taon.

Sa kanyang statement ay paulit-ulit na tinawag ng US president “Putin’s price hike” ang nararanasang malakihang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo sa buong mundo.

Dahil daw kasi sa sinimulang digmaan ni Putin ay wala nang bumibili ng Russian oil ngayon, habang ipinagbawal naman niya ang pag-angkat ng langis mula Russa na sinuportahan naman ng mga Republicans at Democrats sa Congress.

Dahil dito ay nababawasan at hindi na nagiging sapat ang supply ng langis sa pandaigdigang merkado dahilan kung bakit tumataas naman ang halaga nito.

Bilang pagtugon sa suliranin na ito ay maglalabas ang Amerika ng nasa 180 milyon na bariles ng langis mula sa US reserve na magsisilbing “wartime bridge” habang ang US at ang global oil production ay unti-unting bumabangon mula sa pandemya.

Layunin nito na pababain ang halaga ng petrolyo at dagdagan pa ang supply nito sa bansa, at sa oras na aniya na bumaba o bumalik na sa dati ang presyo nito ay planong muling magrestock ng oil reserve ang US.

Samantala, nagbabala naman si Biden sa lahat ng mga kumpanya ng langis na magsasamantala sa kasalukuyang sitwasyon upang madagdagan pa ang kanilang mga kita.