-- Advertisements --

Tiwala pa rin si United States of America President Joe Biden sa kakayahan ni US Defense Secretary Lloyd Austin, sa kabila ng paglilihim ng pagpapaospital nito dahil sa prostate cancer.

Kasunod ito ng pagkwestyon ng ilang miyembro ng administrasyon, Pentagon, at congreso ang kapasidad ni Austin na pamunuan ang depensa ng bansa sa kabila ng mga umuusbong na gulo at rebelyon.

Enero 1 pa noong isugod sa ospital si Austin, ngunit isinapubliko ng kalihim ang lagay-pangkalusugan nito lamang Martes, sa parehong araw kung kailan umatake ang Houthi sa Red Sea.

Patuloy na nagbibigay ng derektiba si Austin noong nagsagawa ng retaliation strike ang US at United Kingdom sa Houthi noong Huwebes, kahit na nagpapagaling ito sa ospital.

Sinabi ni Pentagon Press Secretary Major Gen. Pat Ryder na real-time na nababantayan ni Austin ang mga kaganapan sa hukbong-pandigma ng bansa.

Bukod sa kagamitang medikal, may mga classified equipments din na naka set-up sa hospital room ng defense secretary.

May mga nakasuporta din na staff at aides kay Austin sa loob ng silid, kaya patuloy pa rin ang trabaho nito para sa seguridad ng bansa.