Ibinunyag ng isang US official na magbibigay ng karagdagang $800 million si US President Joe Biden bilang bagong military assistance para sa Ukraine.
Dadalhin nito ang kabuuang ipinangako na $1 bilyon sa nakaraang linggo at $2 bilyon mula noong simula ng Biden administration.
Kabilang sa bagong packages ang mga antitank missiles.
Napag-alaman na kasalukuyang ipinapatupad sa ngayon ang 35-hour curfew sa Kyiv matapos ang patuloy na ginawang pang-aatake ng Russian forces.
Ipinapakita naman ng mga bagong satellite image ang malawakang pagkawasak sa buong Ukraine, kabilang ang mga nasirang bahay sa isang nayon malapit sa Kyiv at mga nagbabagang bahay sa kinubkob na lungsod ng Mariupol, kung saan mahigit 2,500 sibilyan ang namatay.
Tatlong Russian military helicopters naman ang pinasabog ng Ukraine strike sa Kherson International Airport.
Nakatakda naman na makipagpulong ang prime ministers ng Poland, Slovenia at Czech Republic kay Ukrainian President Volodymyr Zelensky.