KORONADAL CITY – Plano umano ng kampo ni Democratic nominee Joe Biden na kontrahin ang election results sakaling manalo umano ang manok ng Republican Party na si US President Donald Trump.
Ito ang inihayag ni Cheryl Willson na kasalukuyang naninirahan sa Michigan, USA sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Willson na tubong Isulan, Sultan Kudarat, na ayon sa kaniyang mister, may mga lumalabas na mga impormasyon na nasa 600 abogado umano ang inihanda ni Biden upang labanan ang magiging resulta ng halalan kapag lumalabas na nanalo si Trump sa naturang eleksyon.
Dagdag ni Willson na malaki umano ang tsansang mananalo ulit ang US president batay sa dami ng mga taong dumadalo sa rally at sa mga survey.
Sa ngayon ay nararamdaman na ang init ng pangangampanya ng magkabilang partido sa kani-kanilang panliligaw sa mga botante lalo na sa mga swing states, katulad na lamang ng Michigan.